Home
Paalam emosyon
March 19, 2012
Mga Alaala
March 18, 2012Naaalala ko siya ngunit hindi ko na naaalala pa ang nakaraang damdamin ko para sa kanya.
Naaalala ko noong una kaming pinagtagpo ng tadhana. Naaalala ko yung mga panahong naging higit na kami sa magkaibigan. Naaalala ko yung mga panahong magkasama kami sa di mabilang na pagkakataon.
Alaala na lang ang naiwan saming dalawa. Makakasama ko ang mga alaala niya sa aking pag-iisa…
Di Ko Sinasadya
March 15, 2012Sinabi ko sa sarili ko noong umpisa pa lang na hinding hindi kita pwedeng mahalin… ngunit bakit nagawa kong mahulog sayo?
Tila ba nakukuryente ako sa tuwing nag-uusap kami… sa tuwing tinititigan ko ang mga nangungusap niyang mata.. sa tuwing ngumingiti siya.
Hindi ako umaasang magkakaroon ng espasyo sa puso niya. Masaya ko sa kung anong estado namin ngayon. Sapat na sakin na makita ko siya at makasama sa bawat araw… at magnakaw ng sulyap paminsan-minsan.
Sa Lover’s Lane
March 3, 2012Mag-isa kong nagtungo sa UST. Noon, may kasama kong maglakad sa lover’s lane. Pero ngayon, mag-isa na lang ako. Naaalala ko yung mga sandaling hindi masukat na saya ang nararamdaman ko habang tinatahak namin ang daang iyon…
Mahirap Dayain ang Puso
January 13, 2012Sa mahabang panahon, pinilit kong mahalin ka ngunit mahirap dayain ang puso. Pinaniwala kita sa mga kasinungalingan ko - na mahal kita at hindi kita iiwan. Kung babalik siya, hindi ako magdadalawang isip na piliin siya. Patawad… hindi ko kayang lokohin ang damdamin ko…
Dear Emosyon
December 17, 2011Dear Emosyon,
Nasa UST ako kagabi. Sobrang ganda ng Paskuhan. Sa totoo lang, pumunta talaga ko dun kasi umaasa kong makikita ko yung taong minahal ko. Ewan ko ba… basta umaasa ko sa hibang na pangarap na yun.
Maraming tumugtog na banda kagabi - Paraluman, 6cyclemind, Ebe Dancel, Sandwich, Urbandub at marami pang iba. May isang bandang kahapon ko lang nalaman at napakagaling nilang tumugtog. Nakaramdam ako ng pagkalito nang makita ko yung isang gitarista ng banda nila. Kamukha niya yung taong nais kong makita. Hindi ko mapaliwanag yung naramdaman ko nung sandaling iyon. Alam ng puso kong mahal ko pa rin siya pero wala namang patutunguhan yung damdamin kong ‘to.
“Parang may kamukha siya. Siya ba yun?” tanong ng kasama ko.
Napakibi-balikat lang ako.
“Anong pangalan ng banda niya?”
“Ewan ko.”
“Imposibleng di mo alam.”
Tinype ko sa cellphone ko kung anong pangalan ng banda niya at pinagmasdan ko ang gitaristang tumutugtog sa entablado hanggang sa huli nilang kanta.
Ano bang dapat kong gawin? Kahit ilang beses kong diktahan ang puso kong wag na siyang mahalin, siya pa rin ang pinipintig nito. Patawad, hindi ko kayang labanan ang emosyon ko. Siguro, sa paglipas ng panahon, mawawalan din siya ng puwang sa puso ko.
Lubos na nagmamahal,
Melody
Naniniwala pa rin ako sa "habambuhay"
December 8, 2011“Everything is going to be all right. I promised you we would be together forever.” - Jason Curtis (from Sidney Sheldon’s Nothing Lasts Forever)
Sabi ng karamihan, forever is a lie. Maraming pangako ang sumasama sa hangin patungo sa kawalan. Maraming relasyon ang di nagtatagal at minsan, kahit kasal na ang dalawang tao, hindi pa rin pala sila ang para sa isa’t isa. Maraming magkasintahan ang nangangako sa isa’t isa na magmamahalan habambuhay subalit hindi natutupad ang sumpaang iyon. May mga damdaming nagbabago sa paglipas ng panahon. Ang pag-ibig ay nanlalamig at napapalitan ng sakit at hinanakit. May mga taong nagsisisi dahil sa pagmamahal nila ng taong hindi naman karapat-dapat ibigin.
Produkto ako ng isang wasak na pamilya at may karapatan akong sabihing isang malaking kasinungalingan ang ‘forever’. Alam kong hindi na mabubuo ang pamilya ko. Sa panaginip siguro, matutupad ang hiling kong magkasama-sama kami.
May dalawa kong kaibigang nagsumpaang magmamahalan sila ‘forever’. Sa kasamaang palad, mahigit isang taon lang ang tinagal ng relasyon nilang akala ko’y di na magwawakas.
Akala ko, kami na. Akala ko, siya ang kapalaran ko, ang nakatadhana para sa akin… pero hindi pala. May mga taong sadyang napadaan lang sa buhay natin. At ang masakit, wawasakin nila ang puso mo.
Hindi ko mabilang ang sakit na naramdaman ko dahil sa kanya. At hanggang ngayon ay sinasaktan pa rin ako ng mga alaala subalit sa kabila ng mga kasawian at pighating naramdaman ko… naniniwala pa rin ako sa habambuhay.
Paano ka ba magiging akin?
November 24, 2011
__________ poked you on Facebook… Saturday, 6:13 pm
Bakit ka pa nagpaparamdam ngayong unti-unti ko nang kinalilimutang mahal na mahal kita? Bakit bumabalik ang nakaraang damdaming pinilit kong kalimutan nang mawala ka? Hindi pa rin nawawala ang pagmamahal ko sayo at kahit anong gawin ko, ikaw pa rin ang tinitibok ng puso ko.
Pinipilit kong huwag pumatak ang luha ko habang kinakatha ang isang madamdaming sanaysay na ito. Pinipilit kong huwag lumuha habang inaalala ang masasayang sandali sa piling mo…
Nakilala kita noong Abril dalawang taon na ang nakalilipas. Sa maikling panahon ay naging malapit tayo. Naibahagi ko ang buhay ko sa isang estrangherong tulad mo. Sa paglipas ng mga araw, nalaman kong hindi ka lang pala isang ekstrang napadaan sa pelikula ng buhay ko… ikaw pala ang protagonista… ang bida… ang mundo ko.
Dahil sayo, nagkaroon ako ng positibong pananaw sa buhay. Masakit lang talagang isiping ikaw ang itinuring kong buhay. Namatay ang puso ko nang mawala ka o mas matapat kung sasabihin kong nawala ang ugnayan nating dalawa. Walang araw na hindi kita naisip. Iyon marahil ang dahilan kung bakit isinara ko ang puso ko sa iba.
Nangangarap ako na magbabalik ang nakaraan at muli akong magiging masaya. Hindi ko alam kung paano at kung kailan. Sa ngayon, makukuntento na muna ako na sariwain ang mga alaala natin.
Mahal na mahal kita. Salamat sa mga alaalang makakasama ko sa aking pag-iisa.
Siguro, sa ibang panahon at dimensyon, mapapasakin ka…
Mapait na Tanghali
Umupo siya sa mesa kung saan ako kakain ng tanghalian. Sa harapan ko siya mismo umupo. Sa mga panahong kumakain kami, ni isang salita ay walang namutawi sa bibig namin. Hindi na rin ako naglakas loob na kausapin siya dahil natakot akong magmukhang tanga. May mga sandaling sinusulyapan ko siya at hindi ko makalimutan ang mga mata niya - puno ng kalungkutan…
Alam kong hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin siya dahil sa mga nangyari. Hindi ko rin naman ginusto ang mga naganap. Wala naman akong karapatang diktahan ang puso ng isang tao. Nanghihinayang ako sa mahigit isang taon. Kung may magagawa lang sana ako ay ginawa ko na.
Hindi na ko umaasa na magiging maayos ulit ang ugnayan naming dalawa. Nangangarap na lang ako na sana ay makakaiin siya ng isang matamis na sangkap na magpapawala ng kapaitan ng puso niya.
Bituin sa Tag-araw
November 16, 2011Tulad ko’y isang bituin na nakikita mo lamang sa gabing mapanglaw…
Nananatili sa kalawakan ang mga bituin. Hindi nga lang natin ito nakikita kapag maliwanag pa ang paligid. Kailangan munang maglaho ang araw at sumapit ang kadiliman bago ito masilayan.
Nakikita mo lang naman ako tuwing may problema ka. Naaalala mo lang ako kapag kailangan mo ng tulong. At ngayong wala ka ng kailangan, nagpapanggap ka na hindi mo ko kilala at tila ba wala tayong pinagsamahan.
Nanghihinayang ako sa ilang taon nating pagkakaibigan. Nagagalit ako dahil pakiramdam ko’y napakatanga ko para magpagamit sayo. Hinayaan ko ang sarili kong tulungan ka dahil nais kong maging masaya ka ngunit napakapait ng ganti mo sa kabutihang ginawa ko.
Hindi ko mabilang kung ilang beses akong naging sandalan mo. Ang naaalala ko lang ay ang pagtulong ko sa tuwing nahihirapan ka.
Hindi na pala matutupad ang isang simpleng pangarap na inasam ko noon - ang maging kaibigan ka habambuhay.
Nagulat na lang ako isang araw nang makasalubong kita sa hagdanan.Tinawag ko ang pangalan mo ngunit kahit sumulyap ay hindi mo ginawa. Nagmukha kong tanga, harap-harapan. Hindi lang pala iyon ang unang pagkakataon na ginawa mo sakin yun. Ang isa ay nasundan ng isa, at isa pa, at tuluyang hindi ko na mabilang ang kapaitang ginawa at patuloy mong ginagawa.Umiiwas ka ng tingin tuwing magkukrus ang landas natin. Alam kong wala akong ginawang masama at ni minsan ay hindi ako nakagawa ng mali sayo. Isang gabi ay nakatanggap ako ng tawag galing sayo - kailangan mo ng tulong. Walang pag-aalinlangang tinulungan pa rin kita sa kabila ng pagiging matabang mo. Subalit hindi na yata muling mabubuo ang isang bagay na minsan nang nasira. Paano nga ba muling ayusin ang isang basong nabasag na? Mahirap pulutin ang mga maliliit na piraso dahil baka makasugat iyon. Nang sumapit ang kaarawan mo, kahit medyo nag-aalinlangan ay binati pa rin kita subalit wala akong natanggap na tugon mula sayo. Kinabukasan ay nakita kita ngunit tila ba hindi mo ko kilala. Kungsabagay, alam mo lang naman na kaibigan mo ko pag may kailangan ka. Salamat ha. Wala kang kwenta.
soulmate
November 10, 2011Sabi ng kaibigan ko, magkaiba ang destiny sa soulmate. Maaaring ang soulmate mo ay hindi ang destiny mo…
Sabi ng puso ko, siya ang soulmate ko. Mahal na mahal ko siya at binigay ko lahat ng pagmamahal na mayroon sa puso ko. Dahil sa kanya, sinara ko ang puso ko at hindi ko magawang magmahal ng iba. Siya ang dahilan kung bakit ako humihinga, kung bakit pumipintig ang puso ko, kung bakit ako nabubuhay. Hindi mapapagod ang puso ko na mahalin siya. At kahit ngayong hindi na malaya ang puso ko, hindi nito maitatangging siya pa rin ang pinipintig nito. Pero hindi siya ang destiny ko at hindi siya ang makakasama ko habambuhay.
Prof. Kamote
October 26, 2011Kamote talaga siya! Ang sarap niyang ibaon sa lupa!
Isa ako sa napakaraming estudyanteng may iresponsableng guro o mas mainam na sabihing walang kwentang guro. Nagbubulag-bulagan ako sa sistemang kinalalagyan ko at nakukuntento na lang sa pagpapahayag ng mga saloobin at damdamin ko dito sa sarili kong mundo.
Mula nang mag-aral ako sa paaralan, ako ang paborito ng mga guro ko. Ako ang madalas nilang tawagin pag may recitation, ako ang madalas nilang utusang magcheck ng test papers at matataas ang mga marka ko. Hanggang sa kolehiyo ay ganun din ang senaryo. Madalas ko pa ngang nakakausap ang mga guro ko tuwing nakakasalubong ko sila. Hindi ako sipsip na estudyante. Hindi ako yung tipo ng taong nakikipagkwentuhan ng mga walang kabuluhang bagay sa guro ko. Bilang isang mag-aaral, alam ko ang limitasyon ko. Inspirasyon ko lahat ng naging guro ko maliban sa isang kamoteng propesor na nanggulo sa buhay ko.
Dalawang taon na ang lumipas mula nang maging guro ko siya. Tila ba nasa impiyerno ako tuwing klase niya dahil siya ang demonyo. Lagi niyang pinapamukha sakin na wala kong kwenta. Pinilit kong huwag umiyak sa klase niya tuwing pinapahiya niya ko at nagawa ko nga iyon. Subalit may isang pagkakataong hindi ko na kinaya at pagkatapos ng klase ay nagtungo ako sa cr para ilabas ang sama ng loob at sakit na dulot ng pang-aaping ginawa niya.
Dahil sa kanya, ninais kong lumipat ng paaralan. Dahil sa kanya, hinangad kong magpalit ng kurso dahil tumatak na sa isp ko na isa kong walang kwentang estudyante.
Dalangin ko noong matapos na ang semester upang matapos na ang pagdurusang dinaranas ko sa kanya. Lahat ng simula ay may wakas. Masaya ako noong nakuha ko ang classcard ko sa kanya dahil alam kong tapos na ang pagdurusa ko.
Lumipas ang isa na namang sem. Iniwasan kong maging guro siya at nangyari nga. Subalit muling dumating ang panibagong sem na muling nagtagpo ang landas namin.
Hindi naman dapat siyaang guro ko sa asignaturang iyon. Nagkataon lang na walang pwedeng magturo samin. Hindi mapinta ang mukha ko nang pumasok siya sa aming silid aralan. Labis akong nanghina dahil muli na naman pala akong babalik sa impiyerno at doo’y muling susunugin ang mga pangarap ko at ang buo kong pagkatao.
Walang kaugnayan ang mga tinuturo niya sa asignatura namin. Sa katunayan ay wala akong natutunan sa kanya. Itinuturo niya ang mga bagay na walang kinalaman sa asignatura namin. Isa pa, ang mga bagay na iyon ay itinuturo ng isa kong guro sa ibang asignatura. Hindi niya napapansin na walang interes ang mga estudyante niya tuwing klase namin sa kanya. Laging huli sa klase lahat ng mag-aaral niya. Naaalala ko nung final exam namin, kasabay namin yung ibang block na hawak niya at ang masaklap, pareho ang pagsusulit namin sa kanila gayong magkaiba ang asignatura namin. Haaayyy!
At ngayong tapos na ang isa na namang sem, nangangarap ako na sana’y hindi ko na siya muling maging guro pa. Maliit lang ang paaralan at malamang na makasalubong ko siya. Ihahanda ko na lang ang mga pilit na ngiti upang matakpan ang pagdurusang nalasap ko sa kanya - pisikal at emosyonal.
Jeepney
October 7, 2011Nakatabi ko siya sa jeepney. Nag-usap kami bago tuluyang muling maghiwalay ang landas namin. Makukuha na niya ang diploma niya sa susunod na linggo, samantalang ako, mahigit dalawang taon pa ang gugugulin para makapagmartsa sa entablado. Masaya ko para sa kanya dahil matatapos na niya ang kurso niya. Mapapadpad na siya sa totoong mundo.
Mabuti na lamang at lilisanin na niya ang paaralan dahil natatakot ako na baka lumalim pa ang aming pagsasamahan at mahulog akong muli sa maling panahon dahil inangkin na ng iba ang puso kong ilang ulit nang nawasak noon.
Salamin
September 22, 2011“Sumasaya lang naman ako kapag masaya ka. Isipin mo na lang lagi na ako yung reflection mo, na kapag nakaharap ka sa salamin. Kagaya mo ako na kapag masaya ka, masaya din ako. Pag malungkot o galit ka, ganun din ako. Pero sana, wag namang dumating sa puntong umaarte ka na lang na masaya ka para sumaya din ako.”
Pinipilit kong maging masaya para sa kanya. Ayokong masaktan siya dahil wala akong nakikitang dahilan upang pahirapan ang kalooban niya sapagkat wala siyang ibang hinangad kundi maging masaya ako. HIndi patas ang buhay at ayoko nang dumagdag pa sa kalupitan nito sa mga tao kaya ginagawa ko ang mga bagay na sa tingin ko’y makabubuti para sa kanya…kahit masaktan ako. Isa akong huwad na repleksyon…isang mapagbalatkayong imahen na nakikita niya.
Wag mo kong iwan
September 19, 2011“Wag mo kong iwan. Mahal na mahal kita Melody.”
Niyayakap niya ko nang mahigpit na mahigpit habang umiiyak.
Binaon sa Limot
September 8, 2011Nasa likod niya ko habang umiinom siya sa drinking fountain. Nang iangat niya ang mukha niya, nagtama ang mga mata namin. Nakatingin kami sa isa’t isa taglay ang blankong mukha na parang di kami magkakilala. Sinundan iyon ng paghakbang niya papalayo at nakadama ako ng kalungkutan dahil ibinaon niya na sa limot ang aming pinagdaanan.
Dalawang taon na ang lumipas mula nang magkakilala kami.Naging malapit kami sa isa’t isa sa loob ng maikling panahon. Hinangaan ko siya dahil sa angkin niyang katangian. Siya ang tipo ng lalaking hindi mahirap mahalin. Tinatakas ako sa komplikadong mundo tuwing tinitingnan ko ang mga mata niya subalit babalik pa rin ako sa totoo kong mundo dahil hanggang magkaibigan lang talaga kami.
Naaalala ko nung nagpasama siya saking pumunta sa isang bar dahil napakasama ng loob niya. Damang dama ko noon ang kalungkutang nagpapahirap sa kanya. Hinangaan ko siya dahil totoo siyang magmahal. Dumating ang panahon, o mas mainam na sabihin kong sandali, na inasam ko na sana ay ako na lang ang babaeng mahal niya. Sa paglipas ng mga araw, natanggap ko rin ang katotohanang iba ang nagmamay-ari ng puso niya.
Naaalala ko nung kaarawan ng kaibigan ko. Nakita ko kung gano niya kamahal iyon dahil sa pag-aarugang ginagawa niya para rito. Nang ibigay niya ang regalo niya sa kaibigan ko, natanggap ko ang katotohanang wala kong puwang sa puso niya. Isa lamang akong tulay sa isang pag-iibigang hindi rin nagtagal.
Hindi ko inasahang mabilis na matutuldukan ang kwento ng pag-ibig nila. At kasabay noon ay ang pagtatapos rin ng pagkakaibigan naming dalawa.
Mahal mo pa ba ako?
August 25, 2011“Wag mo naman sanang ipagdamot sakin ang katotohanan. Mahal mo pa ba ako?”
Hindi ko alam kung anong isasagot ko sa tanong na binitiwan niya. Minahal ko siya ngunit ngayon ay hindi ko maunawaan ang damdamin ko. Ayaw kong siyang saktan subalit mas mahihrapan lamang siya kung awa na lang ang nararamdaman ko para sa kanya.
Di mo na kailangang mag-isa
June 3, 2011 “Ayokong nag-iisa ka, nandito ako, may nagmamahal sayo, di mo na kailangang mag-isa, may karamay ka.”
Kaysarap marinig na sa kabila ng kalupitan ng mundo ay may isang taong handang samahan ako…isang taong wagas na nagmamahal at hinding hindi ako iiwan.
Mahal na Mahal Kita
“Dapat maging malakas ka na Dyndyn kasi mahal na mahal kita. Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita. Maging malakas ka sa araw araw, wag kang susuko sa mga problema.”
Salamat sa pagbibigay lakas sa mga panahong nanghihina ako..sa mga sandaling nawawalan ako ng pag-asa. Salamat sa kalakasan na dahilan kung bakit patuloy akong lumalaban sa buhay. Salamat sa pagmamahal mo.
Tuwing Umuulan
May 11, 2011Naaala kita at ang nga pangarap natin tuwing umuulan…
Ang bawat pagpatak ng ulan ay nagpapaalala sakin ng pagmamahal mo. Sinabi mo na ang mga patak ng ulan na di ko masasalo ay katumbas ng pag-ibig mo.


