Emosyon

Hindi naman ako naghahangad na maging masaya... Sapat na sa akin ang hindi ako maging malungkot sa aking pag-iisa...



Isang libo’t isang bakit

November 10, 2009

     “Bakit ka nagshift?”

     Simple lang naman ang dahilan ng pagpapalit ko ng kurso - hindi na ako masaya sa mundo ng pag-aanalisa kaya’t nilisan ko na iyon at lumipat na ako sa mundo ng akademya. Ewan ko. Hindi ko rin alam kung bakit ko iyon ginawa. Natangay ako ng agos ng emosyon ko. Ni minsan, hindi ko pinangarap na maging guro.Hindi ko rin naman pangarap na maging CPA. Sinunod ko lang ang aking ina. Ngayon ko nga lang nadama ang kahalagahan ng pagtatalakay ng mga guro ko sa haiskul sa kahalagahan ng kurso. Kung malalaman lang nila ang kasalukuyan kong sitwasyon, malamang na pinagalitan na nila ako. Pangarap ko rin ang mga pangarap ng isang maambisyong nilalang. Pangarap kong magkaroon ng sariling bahay at lupa, magkaroon ng kotse, magagandang kasangkapan at mga bagay na nagpapakita ng karangyaan.Nawalan ako ng pangarap. Wala akong pangarap nang mga panahong nagtuturo ang propesor ko sa Accounting. Ang tanging bagay na nasa isip ko nang mga sandaling iyon ay ipasa ang asignatura niya. Pero nitong mga nagdaang araw, may nabuong balak sa aking isipan. Nangarap ako na magsalin ng kaalaman, humubog ng pagkatao at magturo ng mga bagay-bagay na higit pa sa kaalaman na matututuhan sa apat na sulok ng paaralan. 

     “Diyos ko naman!”

     Bakit ba ang baba ng tingin ng karamihan  sa isang guro? Kahiya-hiya bang magturo? Hindi ba marangal ang propesyon na pinili ko? Magkakaroon ba ng doktor, inhinyero, abogado kung walang guro? Matututo ba sila kung walang nagturo sa kanila? Ito ay isang libo’t isang tanong na patuloy na tumatakbo sa aking isipan. Kailan ba magbabago ang pananaw nila sa mag tagahubog ng katauhan? Isa lang ang siguradong sigurado ko, may dahilan ang Diyos kung bakit nangyayari ang lahat ng ito sa buhay ko.

     “Hindi ako nakikipag-usap sa CASET!”

     Hindi na ako kabilang sa mga mag-aaral ng College of Business. Isa na akong mag-aaral na nakikipagsapalaran sa  makulay na mundo ng College of Arts, Science, Education And Technology o CASET. Patuloy pa rin sa pagtugtog sa aking isiupan ang mga salitang binitiwan niya at dahan dahan nitong nilalason ang isip ko. wala akong pakialam sasinabi niya at hindi na rin ako interesado sa mga reaksyon ng mga dati kong kamag-aral. Desisyon ko ito at maninindigann ako.

     Masaya naman ako…. kahit papaano… mabait naman ang bago kong mga kamag-aral. HIndi ko alam kung anong susunod na mangyayari.Pero kahit ano pa, hondi ako magsisisi. Sa sandaling ito, may takot pa rin at agam-agam sa puso ko ngunit umaasa ako na isang araw, haharapin ko ang mundong ito nang buong kalakasan. Patuloy pa rin sa pagtakbo ang isang libo’t isang tanong sa isip ko…

     

     

     

Posted by emosyon at 5:31 pm | permalink

Previous Comments

Sa wakas. Nakakita rin ng isang blog dito sa i.ph na nasa Filipino.

Pareho tayo. Di ko rin pinangarap na maging isang guro. Subalit, heto ako ngayon, nasa ikaapat na taon na sa aking kursong BSEd, umaasang magmamartsa na sa darating na Abril. Hay, sana talaga, grumadweyt.

Huwag kang mag-agam-agam. Di ka nag-iisa. Kaisa kita sa mga suliranin at mga alalahanin mo — magkatulad tayo ng kinakaharap na mga hamon sa ating mga nag-aambisyon at nagsusumikap na maging titser ‘lang.’ Sa lipunang Pilipino — talagang laging may ‘lang.’ Patunayan natin sa kanila kung gaano kadakila ang propesyong ito…

Ipagpatuloy mo sana ang pagbablog dito, nang sa gayon ay may kasama ako. Duguan na kasi ang aking ilong sa pag-iInglesan ng mga tao rito e. Hehehe.

Posted by salamisim at November 10, 2009, 6:59 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment








emosyon

Ang mga tula at mga sanaysay na mababasa dito ay ginawa ni Melody Pabz. 

larawan

Wattpad

awit

komento