Home » Post Item » Drama sa entablado ng buhay
Drama sa entablado ng buhay
November 23, 2009Tulad ng teatro ang buhay ko… hindi na maibabalik ang sandaling nagkamali ako sa pag-arte. Hindi pa isinasara ang kurtina kaya’t patuloy pa rin ang drama. Hindi ako nag-iisa sa entablado… may mga kontrabida, may mga kakampi at may mga ekstra… mga taong napadaan lang…
Hindi ko alam kung anong papel ng taong ito sa buhay ko. Anim na buwan ko pa lang siyang kakilala. Kamag-aral ko siya sa isa kong klase. Hindi siya maalis sa isip ko dahil siya ang unang kumausap sa akin sa unang araw ng pasukan. Alam ko na hindi iyon sapat na dahilan upang manatili siya sa isip ko… alam ko na may iba pang mga bagay. Ang sumunod na eksena - madalas ko siyang makita. Nagkasama rin kami sa dalawang aktibidades. Hindi n’yo na kailang malaman pa kung ano iyon. Nakausap ko na rin siya at marami akong nalaman tungkol sa kanya. Marami kaming pagkakapareho. Hindi ko maitatanggi na ako ang uri ng babae na madaling mahulog sa bangin na walang hanggan ang lalim. At ang masakit, hindi ko alam kung saan ako babagsak…
Nakita ko na naman siya kanina. Hindi ko maipaliwanag ang ngiti niya… dahan dahan akong nilalason ng ngiting iyon at nararamdaman kong malapit na akong mamatay… mamatay sa pagharap sa katotohanang napakaliit lamang ng papel ko sa buhay niya…
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.


