Home » Post Item » Tulad ng gitara…
Tulad ng gitara…
November 23, 2009Ilang araw na lang, Disyembre na. Hindi ko nararamdaman na malapit na ang Pasko. Hindi ko maramdaman ang lamig ng panahon dahil napapaso ako sa nagliliyab na katotohanan. Naaalala ko, noong nagdaang Pasko, nangaroling ako kasama ng mga kaibigan ko. Hinding hindi ko malilimutan ang mga panahong umaawit kami ng mga kantang pampasko. Naririnig ko sa sandaling ito ang mga tinig namin noong mga gabing iyon.Hindi ko mabilang ang aming mga hakbang… malayu-layo rin ang aming napuntahan. Iba-t ibang eksena sa bawat bahay na aming inaawitan. Iba iba rin ang mga pang yayari sa bawat gabi.
Proyekto namin sa Values Education ang tumulong sa mga kapus-palad at iyon ang perpektong bagay na naisip ng aming grupo - ang mangaroling.Hindi kami nabigo. Nagbunga ang aming paghihirap. Ang salaping nalikom namin ay itinulong namin sa mga kabataang naghihikaos sa buhay.Nag-uumapaw sa saya ang naramdaman ko nang mga sandaling iyon. Labis akong nagagalak sa tuwing naiisip ko ang kinang ng mata ng mga batang iyon…
Ang gitara ko ang isa sa mga instrumento ng tagumpay na iyon. Lumikha ito ng napakagandang tunog… tunog na kumatok sa puso ng mga taong aming inawitan.Hiniram iyon ng isa kong kaibigan pagkatapos ng aming pangangaroling. Enero na nang ibalik niya ang gitara ko - patid ang kwerdas nito … wasak tulad ng puso ko…
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.


