Emosyon

Hindi naman ako naghahangad na maging masaya... Sapat na sa akin ang hindi ako maging malungkot sa aking pag-iisa...



Mapagkunwaring Mundo

November 26, 2009

     Tuwing gabi, sabik na sabik ang aking unan sa paghihintay ng pagpatak ng aking luha… Bumabalik ang mapapait na alaala.  Patuloy pa rin akong hinahabol ng masaklap na katotohanang namumuhay ako kapiling ng mga mapagpanggap na nilalang…

     Natuklasan ko na nakatira ako sa mundong napapaligiran ng mga mapagkunwaring kaibigan, mapagpanggap na mga ngiti at mga taong umaangkin na nagmamahal sa akin. May mga taong nandiyan lang sa tabi ko sa mga panahong kailangan nila ako at kapag wala na akong halaga, ako’y itatapon nila tulad ng basura. Nagpapanggap silang masaya kapag masaya ako ngunit ang totoo, namumuhi sila sa katagumpayang natamasa ko. Kagabi, narinig ko ang mga salitang naging dahilan ng pagbagsak ng aking luha. Akala ko, kaibigan ko siya, hindi pala… Sana hindi ko na lang narinig ang mga salitang iyon, nang sa gayon ay hindi ako nahihirapan ngayon. Isa lamang siya sa hindi mabilang na mapagpanggap na nilalang sa mundong aking ginagalawan. Kanino ako magtitiwala? Paano ako maniniwala kung puro kasinungalingan ang naririnig ko? 

     Tatlong taon din akong nakitira sa aking kamag-anak. Akala ko, magiging maayos ang buhay ko subalit nagkamali ako. Mapagpanggap ang ngiti niya, gayon din ang mga salitang binitiwan niya. Salamat na lamang at natuklasan ko ang katotohanan na isa siyang mapagpanggap na nilalang. Masakit lang talagang isipin na kung sino pa ang dapat na tumutulong sa iyo ay siya pang sumisira sa iyong pagkatao. Napakabait niya sa harapan ko at tila ba wala akong dapat ipangamba tuwing kasama ko siya ngunit isa siyang impostora! Isang magaling na artista…

     Nilisan ko na ang impiyernong iyon. Pinili kong tumayo sa sarili kong mga paa. Ngunit simula pa lamang iyon ng paglalakbay ko sa mapaniil na mundong ito. May mga pangakong hindi natutupad, mga pangarap na hindi nagaganap, at kasabay nito ay ang taong akala ko ay magmamahal sa akin nang totoo ay maglalaho tulad ng bula na nakita ko…Nagpapanggap ako na hindi nasasaktan…na tila ba balewala ang mga nagdaan… Nagpapanggap ako na masaya ngunit ang totoo, umiiyak ang puso ko. Paano ako makakatakas sa mapagkunwaring mundong ginagalawan ko kung ako mismo ay hindi nagpapakatotoo sa sarili ko?

Posted by emosyon at 7:12 am | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment








emosyon

Ang mga tula at mga sanaysay na mababasa dito ay ginawa ni Melody Pabz. 

larawan

Wattpad

awit

komento