Home » Post Item » Sa Paglipad ng Lobo…
Sa Paglipad ng Lobo…
December 6, 2009Tumingala ako, nakita ko ang lumilipad na lobo, dahan dahan itong sumama sa hangin patungo sa kawalan…
Gumuhit sa alaala ko ang mga nagdaan kong pangarap. May mga bagay na nagpapasaya sa akin na kailangan kong iwanan para sa mas magandang bukas. May mga bagay na kailangang isakripisyo upang makamit ang aking hinahangad. Mahirap bitiwan ang isang bagay na nagbibigay ngiti. Mahirap itong bitiwan lalo na kung matapos ko itong pakawalan ay makikita ko itong lumilipad kasama ng mga nasayang kong pangarap.
Sa pag-usad ng panahon, may mga paniniwalang nag-iiba at may mga pangarap na nagbabago.Hindi ko pinangarap ang kasalukuyang kalagayan ko. Hindi ko alam kung ano ang mga susunod na pangyayari sa buhay ko. Binitiwan ko na ang hawak kong lobo upang malayang makakilos ang dalawang kamay ko sa pagharap sa mapaniil na mundong aking ginagalawan. Hindi ko naisip na ganito ang kahahantungan ko. Wala naman akong pinagsisisihan dahil naniniwala ako na lahat ng bagay na nangyayari sa buhay ko ay may dahilan. Marami na akong isinakripisyo. Marami na akong hirap na dinanas.
Noong paslit pa lamang ako, ang tanging bagay na iniisip ko ay kung ano ang pasalubong sa akin ng aking magulang pag-uwi niya galing sa trabaho at ang pinoproblema ko lamang noon ay kung paano ako tatakas sa aking mga magulang upang makipaglaro ng tagu-taguan. Wala akong hangad noon kundi maging masaya sa bawat araw. Nakapagbibigay ligaya ang isang lobo… isang simpleng bagay na pwede namang wala sa mundo. Sa bagay na ito, marami akong natutunan. Nalaman ko na ang bagay na nagbibigay sa iyo ng saya ay maaari ring magbigay sa iyo ng hindi masukat na kalungkutan.
Masaya ang isang bata na magkaroon ng lobo. Kapag lumipad ito, tiyak na iiyak siya. Iiyak siya sapagkat nawala ng bagay na nagbibigay sa kanya ng saya.Tulad ng paglipad ng lobo ang pagkawala ng pangarap. Kapag hindi mo hinawakang mabuti ang pangarap mo, tiyak na mawawala ito… lilipad tulad ng lobo… tatangayin ng hangin patungo sa kawalan…
Matapos maglaho ng pangarap ko… matapos itong pumunta sa hindi ko maarok na hangganan… may mga taong nagbibigay lakas ng loob sa akin gayun din naman ang mga taong walang ibang ginawa kundi manumbat pagkatapos masayang ang aking pangarap. Ngunit alam ko na may pangarap pa rin sa sangkalupaang ito. Ngunit hindi ko alam kung saang tindahan ako bibili ng pangarap ko.
Previous Comments
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.



Libre lang ang mangarap. Dadalhin ka nito sa malayong bukas. Tanaw mo ang sarili na nagpupunyagi sa pangarap na nakamit. Libre lang naman. Ngunit kung ito’y hahayaang maging isang pangarap na lamang, darating ang panahong gaano man kahigpit ang iyong kapit. Mapapatid ang lubid at kasabay na lilipad palayo ang lobo ng pangarap. Dadalhin ng hangin sa hangganang hindi mo na masilip pa. Kung kaya’t habang ang lubid ay nasa iyong kamay, patuloy na paliparin ang lobo kasabay ng pag-abot sa alapaap ng katuparan… ng pangarap. Kung sakali mang tuluyan ng makabitiw, huwag mag-alala dahil walang bayad ang mangarap. Bagama’t ang pagkawala ng isa’y may bigat sa puso at lungkot na dala, hayaang ito ang mag-udyok upang bumuo ng panibago. Ang pagtupad nito ang dapat na paghandaan mo.
Posted by taga-bundok at December 21, 2009, 11:50 pm