Emosyon

Hindi naman ako naghahangad na maging masaya... Sapat na sa akin ang hindi ako maging malungkot sa aking pag-iisa...



Sapat na ang masulyapan ka

December 12, 2009

      Kung ikaw lang mag-isa sa mundo at ang tanging nagbibigay sa iyo ng saya ay isang bulaklak na nasa malayong dako, pipitasin mo ba ito upang maging masaya ka kahit alam mong malalanta ito o hahayaan mo itong mabuhay kahit malayo sa iyo?

      Marahil, ang sagot mo sa tanong na nabasa mo ay hahayaan mong mabuhay ang bulaklak na iyon kahit malayo sa iyo. Marahil, ang dahilan na sasabihin mo ay panandalian lang ang sayang mararanasan mo pag pinitas mo  iyon.Marahil, magiging masaya ka pag hinayaan mo iyong mabuhay kahit malayo sa iyo… kahit sulyap lang ang tanging magagawa mo upang aliwin ang nalulumbay mong puso.

     Ano nga ba ang kahulugan ng salitang “saya”? Labing pitong taon ko nang hinahanap ang  ibig sabihin ng salitang iyon. Hindi sapat ang pagpapakahulugan ng diksyunaryo. Iba-iba ang pagpapakahulugan ng bawat isa sa salitang “saya”. Para sa iba, masaya sila kung magiging pagmamay-ari nila ang mundo. Para naman sa iba, ang saya ay kapag nakasama nila ang taong mahal na mahal nila. Sabi ng libro, kailangan mong maging masaya para sa tagumpay na nakamit ng iba kahit hindi ka bahagi ng ligayang kanyang natamasa.Masaya ka ba pag masaya siya?

     Tulad din ng bulaklak na iyon ang isang taong mahal mo. Dumarating ang pagkakataong kailangan mong magparaya.Kailangan mong masaktan. Kailangan mong lumayo. Makukuntento ka na lang ba na pagmasdan ang taong nagbibigay ligaya sa buhay mo? Sapat na ba ang isang sulyap?Paano kung sa kanya umiikot ang mundo mo? Kaya mo bang mabuhay nang wala siya sa piling mo? Tama bang magtago ka upang takasan ang lungkot na humahabol sa iyo?

     Sakripisyo… doon iikot ang mundo ng mga taong handang ibigay ang kalayaan ng taong sinisinta nila. Kasama ng salitang iyon ay ang hapdi, sakit at pighati. Ngunit sa isang banda, hindi ba mas masaya kung makikita mo siyang maligaya?Maligaya sa piling ng iba…

     

Posted by emosyon at 1:04 pm | permalink

Previous Comments

Ako’y natutuwa at namamangha sa iyong mga isinusulat. Sana ay ipagpatuloy mo. Para dumami naman tayong mga nagsusulat sa Filipino rito sa i.ph. Hehehe.
Puro pag-ibig a. Emo writer ka raw. Hehe. Add na kita sa blogroll ko. Ituluy-tuloy mo lang ang pagbablog. :)

Posted by xdalisayx at December 18, 2009, 11:05 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment








emosyon

Ang mga tula at mga sanaysay na mababasa dito ay ginawa ni Melody Pabz. 

larawan

Wattpad

awit

komento