Home » Post Item » Sa Dulo ng Bahaghari
Sa Dulo ng Bahaghari
January 8, 2010Tapos na ang ulan… Nakikita ko ang pagsikat ng araw. Natanaw ko ang bahaghari. Nakita ko ang ganda nito. Sabi nila, may ginto sa dulo ng bahaghari kaya’t hinanap ko ang hangganan nito subalit wala akong nakitang ginto o kahit anong hiyas, bagkus, natamasa ko ang kasiyahang ngayon ko lang naramdaman. Subalit, nag-iwan ng malaking pinsala ang unos. Ngayon, piniplit kong bumanagon at magsimula muli. Pinipilit kong kalimutan ang trahedya kahapon at harapin ang kasalukuyang mga hamon…
Hindi ko malilimutan ang mga panahong magkasama tayo. Hindi ko malilimutan ang mga masasayang sandali habang kapiling kita. Hindi mawawaglit sa isip ko ang ngiti mo, ang tinig mo at ang papel na ginampanan mo sa buhay ko. Gayundin naman, hinding hindi ko malilimutan ang sakit na pinaramdam mo. Hindi ko akalaing hahantong sa ganito. Saan ako nagkulang? May pagkakamali ba ako? Ginawa ko lahat. Kulang pa ba?
Habang tinatahak ko ang daan patungo sa dulo ng bahaghari, nakararamdam ako ng kakaibang saya. Napakasaya ko habang patuloy akong naglalakbay papunta sa paroroonan ko. Nakikita ng mga mata ko ang kagandahang taglay ng mundo. Noon, puti at itim lang ang kulay ng mundo ko ngunit dahil sa iyo, nakita ko ang iba’t ibang kulay ng sangkalupaang ito.
Awa… naaawa ka lang sa akin. Hindi mo man sabihin, alam ko na iyon ang tunay na dahilan. Iyon ang dahilan kaya mo ako sinasamahan sa komplikadong mundong ating ginagalawan. Iyon ang dahilan ng mga matatamis mong salita. Iyon ang dahilan kaya ako nagdurusa ngayon…
Tapos na ang paglalakbay ko. Nakita ko na ang hinahanap ko.Narating ko na ang hangganan. Nakamit ko na ang premyo.Hindi materyal na bagay ang nadatnan ko kundi kasiyahan subalit sa isang kisapmata… naglaho ang lahat. Pagkalipas ng maraming araw, muling nagdilim ang paligid ko. Tumingala ako, kulay abo ang langit. Nagbabadya na naman ang panibagong bagyo. . Naririnig ko ang pagkulog. Sa di kalayuan ay nakita ko ang pagguhit ng kidlat.Pumatak ang ulan ngunit hindi ako makagalaw. Wala akong lakas upang tumakbo at humanap ng masisilungan. Hindi ko pansin ang pagpatak ng luha ko. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Nais kong tumakbo… tumakbo nang tumakbo patungo sa pook na walang nakakakilala sa akin ngunit hindi ko magawa. Naghari ang kalungkutan sa puso ko kaya’t tuluyan akong nanghina. Patuloy sa pagpatak ang ulan. Patuloy din sa pagpatak ang aking luha…
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.


