Home » Post Item » Laro ng Gamitan
Laro ng Gamitan
February 25, 2010Sino ba ang tunay na taya sa larong aming sinasalihan?
Masaya siya sa mga takbo ng pangyayari. Nakukuha niya ang gusto niya at nagiging masaya siya. Lubos siyang nagpapasalamat sa mga ginagawa ko ngunit ang totoo, ginagawa ko ang mga bagay na iyon dahil sa hangarin ko. Hindi lingid sa kanya ang intensyon ko. Hindi niya alam ang mga balak ko. Ginagamit niya ako upang mapalapit sa kaibigan ko subalit ang katotohanan ay siya ang ginagamit ko. Ginagamit ko siya upang maging tama ang mga kamaliang kumakatok sa puso ko.
Malapit na sila sa isa’t isa. Madalas silang magkasama at magkausap. Masaya ako sa mga nangyayari. Natatanaw ko ang katagumpayan ng hangarin ko. Ang hindi ko lang gusto ay lagi akong pinipilit ng kaibigan ko na sumama sa kanilang dalawa tuwing aalis sila. Nagkaroon ng hangganan ang kalayaan ko. Marahil paglipas ng ilang buwan o linggo ay matatamasa ko na ang kalayaang kinasasabikan ko. Hindi niya naman siguro ipagdadamot ang kalayaang hihingiin ko kapag naging sobrang malapit na sila sa isa’t isa at mahulog na ang loob ng kaibigan ko sa kanya.
Sili, sili, maanghang, tubig, tubig, malamig…
Kasing-anghang ng sili ang mga pangyayari. Hindi niya matanggap ang mga negatibong nangyayari. Natural lang na magkaroon ng hindi pagkakaunawaan. Ordinaryo na rin ang magkaroon ng tampuhan. Nabigyan siya ng lamig ng tubig nang maunawaan ng kaibigan ko angmapait na katotohanan.
Nanay, tatay, gusto kong tinapay. Ate, kuya, gusto kong kape. Lahat ng gusto ko ay susundin n’yo…
Hindi sa lahat ng panahon ay nasusunod ang plano ko. Hindi umaayon ang pagkakataon sa nais ko. May mga balak na hindi naisasakatuparan. Humihingi siya sa akin ng payo. Tinatanong niya ang mga bagay na dapat niyang gawin subalit sa huli, sariling kagustuhan niya pa rin ang nasusunod. Kagustuhan ng puso niya ang kanyang sinusunod sa paggawa ng mga hakbangin.
Langit, lupa, impiyerno. Im, im, impiyerno. Saksak puso, tulo ang dugo. Patay, buhay, umalis ka na riyan sa puwesto mo.
Ipaglalaban niya kaya ang pag-ibig niya hanggang kamatayan? Mananatili ba siya hanggang wakas? Paano kung magbago ang hugis ng puso niya? Maghahanap ba siya ng iba o titiisin niya ang sakit na kanyang madarama?
Tagu-taguan, maliwanag ang buwan. Wala sa likod. Wala sa harap. Pagbilang kong tatlo nakatago na kayo. Isa.. Dalawa.. Tatlo..
Matatagpuan ba ang katotohanan? Malalaman ba ng kaibigan ko ang tunay na laman ng damdamin ng taong may lihim na pagtingin sa kanya? Patuloy sa pagtakbo ang kamay ng orasan. Matatagpuan kaya ng taya ang kanyang mga kalaro? Matatagpuan niya kaya ang katotohang nagkukubli sa puso ng kanyang mga hinahanap na patuloy na naglalaro sa laro na kung tawagin ay “laro ng gamitan”?
Previous Comments
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.



ganda nmn po nyan..
Posted by angie at March 23, 2010, 4:32 pmdaming ngkagusto nung i-share ko.
:))