Home » Post Item » Pitong Taon
Pitong Taon
March 27, 2010Pitong taon na ang nakalilipas ngunit bakit pa rin ako lulmuluha tuwing maaalala kita?
Pitong taon na ang nakalipas buhat nang mangibang bansa ka. Pitong taon na ang lumipas buhat nang kalimutan mo ang obligasyon at responsibilidad ng pagiging isang ama. Naaalala ko ang sandaling lumisan ka. Puno ako noon ng pag-asa na magkakaroon kami ng magandang bukas - kinabukasan na walang pangamba at alinlangan.Puno rin ako ng pangarap - pangarap na matamasa ang kaginhawaan. Subalit lahat ng pangarap ko at pag-asa ay naglaho dahil sa kasalanang iyong ginawa …
Sabik na sabik akong makita ka. Wala si mama. Sinundo ka niya sa airport. Ang mga kapatid ko lang ang aking mga kasama. Narinig ko ang pagbukas ng gate. Nakarinig ako ng mga hakbang. Maya-maya ay bumukas ang pintuan at tumambad sa aking harapan ang lalaking nagbigay sa akin ng buhay. Niyakap kita at hindi ko maipaliwanag ang sayang naramdaman ko. Sa wakas, mabubuo na ang pamilya ko subalit nagkamali ako. Pagkalipas ng ilang araw, nakarinig ako ng pagtatalo sa isang silid. Pinangkinggan ko ang kanilang mga tinig. May himig ng panunumbat at galit. Lumalakas ang tinig dahil sa galit at narinig ko na mananatili ka sa ibang bansa sa loob ng maraming taon. Dali dali akong nagtungo sa banyo. Hindi ko mapigilan ang aking pag-iyak. Hindi ko mabilang kung ilang beses akong nagtungo sa pook na iyon sa loob ng isang araw. Doon ko iniluluha ang sakit na nararamdaman ko. Hindi ninyo alam na narinig ko ang inyong pagtatalo. Hindi ninyo alam na nabatid ko ang bagay na pilit ninyong ikinukubli sa aking mga kapatid. Isang araw, nakatulog ako nang hindi ko namamalayan. Hapon na nang magising ako. Kumain na kayong lahat ng tanghalian kaya ako na lang mag-isa ang kakain sa hapag-kainan. Pinilit kong huwag umiyak habang kumakain. Hindi ko alam kung anong himala ang naganap upang hindi mapansin ninuman ang aking pag-iyak. Mula nang araw na malaman ko ang mapait na katotohanan, sabik na sabik ang aking unan sa pagpatak ng animo’y kristal na bagay na nagmumula sa aking mga mata. Naaalala ko ang huling gabing nanatili ka dito sa Pilipinas. Niyakap mo ako nang mahigpit. Muli, pinilit kong huwag umiyak. Kinaumagahan, nagising na lang ako na wala ka na…
Lumipas ang ilang buwan. Wala kaming balita at wala ring sustentong natatanggap. Ilang beses kitang sinulatan subalit naging manhid ka at walang pakialam. Gusto kitang sumbatan. Napakaraming tanong ang gumugulo sa isip ko. Nabalot ako ng poot at pagkamuhi sa iyo. Hanggang isang araw… nabalitaan na lang namin na may iba ka ng pamilya…
Nagtapos ako ng elementarya na walang ama. Umakyat ako ng entablado, kumuha ng diploma, nagtamo ng karangalan na ipinagsisigawan na nagawa ko ang mga bagay na iyon nang wala ka. Naghikaos kami, nabaon sa utang at kahihiyan, kinaaawaan at sinusumbatan. Nangarap ako na isang araw, makakaahon din kami sa kumunoy ng kahirapan at pauulan kami ng Diyos ng mga pagpapala. Mabilis na lumipas ang apat na taon at nakapagtapos ako ng haiskul. Sa ikalawang pagkakataon, umakyat ako ng entablado ng may karangalan. Hindi ko mailarawan ang ngiti ni mama… ang kaligayahang naramdaman niya noong sandaling iyon. Ano kayang pakiramdam mo kung nandoon ka? Imposible… Imposibleng may natitrang pagmamahal pa sa puso mo dahil sa simpleng bagay ay hindi mo maipakita ang kahalagahan ng isang ama. Minsan, tinatanong ko ang aking sarili: Naaalala mo kaya kami? Naiisip mo kaya kung anong kalagayan namin? kung may kinakain kami o kung may sakit kami? Minsan, sumasagi sa isip ko na sana hindi na lang ikaw ang naging ama ko .Ngayon,tapos ko na ang unang taon ng pagiging kolehiyo. Pagkalipas ng ilang taon, alam ko na magkikita ulit tayo. At sabi nga ni mama, magpapakita ka at hihingi ng habag sa panahong matagumpay na ako. Hindi ko na iniisip iyon at wala na rin akong pakialam…
Sa isang banda ng puso, nagpapasalamat na rin ako sa lahat ng pangyayari. Dahil sa iyo, nagdanas ako ng hindi masukat na paghihirap. At dahil sa iyo, namulat ako sa katotohang malupit ang mundong aking ginagalawan…
Previous Comments
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.



take those burdens for u to become strong.. mahirap ang makalimot, mahirap ang magpatawad agad, mahirap ang tumanggap… pero kaya mo yan… wag mong hayaan na lamunin ka ng mga pasakit sa buhay… in the future, pasasalamatan mo ang problemang yan dahil yan ang nagbigay sa u ng tatag sa yong sarili…
Posted by arnz at March 31, 2010, 7:50 pm