Home » Archives » January 2011
Isang Awit
January 31, 2011Lumikha ka ng isang awit para sa akin
Ako ang nagsilbing inspirasyon upang makalikha ka ng isang awitin
Sinabi mong habambuhay mo kong mamahalin
At ako lang ang nag-iisa mong iibigin
Tunay bang nasasaktan ka pag lumuluha ako?
At nahihirapan ka sa tuwing malungkot ang mga mata ko?
Damdamin mo ba ay totoo?
Bakit hindi ko madama na mahal mo ako?
Sinabi mong ang pag-ibig ko ang langit mo
At mamahalin mo ko hanggang sa huling pintig ng puso mo
Subalit bakit hindi ko maramdaman na iyon ay totoo?
Dahan dahan ka nang lumalayo sa buhay ko
Paalam na
January 17, 2011Isa kang panaginip na hinding hindi magkakatotoo. Isa kang matamis na panaginip na bunga lamang ng mahimbing kong pagkakatulog…
Nakilala kita sa hindi inaasahang pagkakataon. Naging malapit tayo sa isa’t isa sa maikling panahon. Labis akong humanga sayo dahil sa mga katangiang taglay mo - mahusay kang umawit at tumugtog ng gitara, magaling kang gumuhit at magpinta. Isang araw, nagising na lang ako na mahal na pala kita.
Natutunan ko ang kahulugan ng salitang “sining” dahil sayo. Nalaman ko ang kagandahan ng buhay dahil din sayo. Pinadama mo na mahalaga ako at dahil doon, umasa ako na magkakaroon ako ng puwang sa puso mo.
Pinilit kong umiwas dahil natakot akong tuluyang mahulog sayo subalit huli na. Mahal na mahal na kita at wala na kong magawa upang mawala ang pag-ibig na nararamdaman ko para sayo. Sinubukan kong huwag kang kausapin, nasaktan ako. Sa paglipas ng mga araw, lalo kitang minahal at lalo rin akong nasaktan.
Naaalala mo ba yung mga sandaling sinabi kong “namiss kita?” Ngingiti ka at bigla kong sasabihing biro lang at dahil doon, maglalaho ang ngiti sa mukha mo. Maya maya pa ay sasabihin kong hindi kita namiss dahil namimiss kita.
Hinahanap-hanap ko ang mga panahong nakikipagtawanan ako sayo. Naghahangad ako na muli kang makakwentuhan. Nag-aasam ako na muling makaririnig ng bahagi ng buhay mo. Subalit paano? Hindi na tayo tulad ng dati…
Ang mga oras ay naging araw. Ang mga araw ay naging linggo at ang mga linggo ay naging buwan. Walong buwan na pala ang lumipas mula nang dumaan ka sa buhay ko. Napakaswerte ko dahil nakilala kita at naging malaking bahagi ka ng buhay ko. Akala ko, ikaw ang mundo ko ngunit hindi pala. Isa kang bahagi at hinding hindi mabubuo ang mundo ko kung wala ka.
Nasasaktan ako tuwing naririnig ko ang kantang “Biglaan.” Bigla kasi akong lumayo sa buhay mo pero mas nasasaktan ako nang higit sa pagkakaalam mo. Sa tuwing naririnig ko ang awiting iyon, naaalala kita at hindi ko mapigilang lumuha. Unti-unti na lang pala sana akong nawala sa buhay mo. Ngunit kahit biglaan o dahan-dahan pa kong umalis sa buhay mo, masasaktan at masasaktan lang din ako dahil hindi mo ko minahal.
Nitong mga nagdaang buwan, inasam ko na sana pagkagising ko, hindi na kita mahal. Hindi ko na nanaisin pang yakapin ka at hindi na ko masasaktan tuwing makikita kita. At dumating na nga ang panahong iyon. Hinilom ng panahon ang mga sugat na natamo ko dahil sa pagmamahal sayo. Dumating ang isang taong handang punan ang kakulangan ng buhay ko. Tulad mo, pinadama niya rin na mahalaga ako. Aaminin ko, nararamdaman kong mas mahalaga ako sa kanya kaysa sayo. Nararamdaman kong mahal niya ko - ang tanging bagay na hindi ko naramdaman mula sayo.
Kahit na puro sakit at luha ang natamo ko dahil sa pagmamahal sayo, nais kong malaman mong naging malaking bahagi ka ng buhay ko. Nandito ka sa puso ko hanggang sa huling tibok nito ngunit hanggang dito na lang ako. Paalam na mahal ko…
Pagtatapat
January 11, 2011“Melody, ikaw yung mahal ko”
Hindi ako makapaniwala sa narinig ko.
“HIndi ka ba masaya na magkaibigan tayo?” tanong ko.
“Masaya.. kaso higit pa doon yung ikasasaya ko kung sakasakaling maging tayo.. Aantayin kita”
Nalilito
January 7, 2011Natanaw ko siya sa di kalayuan at gumuhit sa isipan ko ang lalaking minamahal ko kahit patuloy akong nasasaktan…
Lumipas ang mga araw at naging malapit kami sa isa’t isa. Nakikita ko sa kanya si Syd. Ayokong isiping nagiging malapit ako sa kanya dahil sa pagkakatulad nila. Aaminin ko, kakaiba siya sa lahat ng nakilala ko. Muli akong ngumiti dahil sa kanya. Siya ang dahilan kung bakit muli akong naging masaya. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Mahal ko na ba siya o naguguluhan lang ako? Naaalala ko lang ba ang dati kong damdaming pinipilit kong kalimutan?
Noong nakaraang linggo, ipinagtapat niya sa akin ang kanyang nararamdaman. Magagawa ko bang saktan ang taong walang ibang ginawa kundi mahalin ako? Subalit paano kung nililinlang lang ako ng nakaraan kong damdamin?
Hindi ko maintindihan ang tunay kong nararamdaman at hindi ko maunawaan ang sinasabi ng puso kong sugatan.
HILING
January 3, 2011HILING
Pinagmamasdan ang paglubog ng araw
Naghahangad na makakita ng bulalakaw
Hihilingin na lagi kang matanaw
Sa ilalim ng mga bituin ay sasayaw
Pag-ibig mo ang aking hiling
Gagawin ang lahat upang ikaw ay makapiling
Hindi magsasawa na ikaw ay ibigin
Habambuhay kitang mamahalin
Wagas na pagsinta ang alay ko sayo
Hinding hindi ko sasaktan ang puso mo
Iibigin ka hanggang sa dulo ng mundo
Nandito ka sa puso ko hanggang sa huling tibok nito
Wakas at Simula
Natapos ang taong ikaw ang iniibig ko at magsisimula ang panibagong taon na ikaw pa rin ang minamahal ko…


