Home » Page 6
Sapat na ang masulyapan ka
December 12, 2009Kung ikaw lang mag-isa sa mundo at ang tanging nagbibigay sa iyo ng saya ay isang bulaklak na nasa malayong dako, pipitasin mo ba ito upang maging masaya ka kahit alam mong malalanta ito o hahayaan mo itong mabuhay kahit malayo sa iyo?
Marahil, ang sagot mo sa tanong na nabasa mo ay hahayaan mong mabuhay ang bulaklak na iyon kahit malayo sa iyo. Marahil, ang dahilan na sasabihin mo ay panandalian lang ang sayang mararanasan mo pag pinitas mo iyon.Marahil, magiging masaya ka pag hinayaan mo iyong mabuhay kahit malayo sa iyo… kahit sulyap lang ang tanging magagawa mo upang aliwin ang nalulumbay mong puso.
Ano nga ba ang kahulugan ng salitang “saya”? Labing pitong taon ko nang hinahanap ang ibig sabihin ng salitang iyon. Hindi sapat ang pagpapakahulugan ng diksyunaryo. Iba-iba ang pagpapakahulugan ng bawat isa sa salitang “saya”. Para sa iba, masaya sila kung magiging pagmamay-ari nila ang mundo. Para naman sa iba, ang saya ay kapag nakasama nila ang taong mahal na mahal nila. Sabi ng libro, kailangan mong maging masaya para sa tagumpay na nakamit ng iba kahit hindi ka bahagi ng ligayang kanyang natamasa.Masaya ka ba pag masaya siya?
Tulad din ng bulaklak na iyon ang isang taong mahal mo. Dumarating ang pagkakataong kailangan mong magparaya.Kailangan mong masaktan. Kailangan mong lumayo. Makukuntento ka na lang ba na pagmasdan ang taong nagbibigay ligaya sa buhay mo? Sapat na ba ang isang sulyap?Paano kung sa kanya umiikot ang mundo mo? Kaya mo bang mabuhay nang wala siya sa piling mo? Tama bang magtago ka upang takasan ang lungkot na humahabol sa iyo?
Sakripisyo… doon iikot ang mundo ng mga taong handang ibigay ang kalayaan ng taong sinisinta nila. Kasama ng salitang iyon ay ang hapdi, sakit at pighati. Ngunit sa isang banda, hindi ba mas masaya kung makikita mo siyang maligaya?Maligaya sa piling ng iba…
Bakit ikaw pa?
December 10, 2009Ang pangalan mo ang nakasulat sa papel na nabunot ko. Sa dinami-rami ng pangalan na pwede kong mabunot, bakit ikaw pa? Pinaglalaruan na naman ba ako ng kapalaran? Hindi ko alam kung anong ibibigay ko sa iyo. Hindi ko alam kung maiibigan mo ang regalong matatanggap mo. Pero isa lang ang sigurado ko, nais kong ibigay ang pinakamagandang regalo para sa iyo.
Nakapagtataka… bakit ikaw pa? Pinilit kong umiwas sa iyo. Pinilit kong kalimutan ang pangalan mo pero bakit ikaw…bakit ang pangalan mo pa? Narinig ko na naman ang tinig mo kahapon. Hindi sinasadyang makita kita. Talaga yatang may papel ka pa ring ginagampanan sa buhay ko…
Mauulit ba ang kahapon?
December 9, 2009Magkasabay kaming naglakad kanina. Kapiling ko siya sa mahaba-habang panahon. Masaya ako nang kasama ko siya ngunit kasama ng sayang naramdaman ko kanina ang pangamba na baka mahulog ako sa kanya. Alam ko na wala pa akong nararamdaman ngunit may agam-agam sa puso ko na baka mahulog na naman ako sa ikalawang pagkakataon…
Ayaw kong dumating ang panahon na hinahanap hanap ko siya… na nais kong marinig ang tinig niya… na walang kulay ang araw ko pag hindi ko siya kasama dahil alam ko na wala rin naman akong halaga sa kanya… na kapatid lang ang turing niya sa akin.
Nakikita ko sa kanya ang katauhan ng taong minsan kong minahal…mula sa pagkilos niya hanggang sa paraan ng pagsasalita niya.Magkaiba sila. Magkaiba rin ang kahapon at ngayon. Mauulit ba ang kahapon?
Sa Paglipad ng Lobo…
December 6, 2009Tumingala ako, nakita ko ang lumilipad na lobo, dahan dahan itong sumama sa hangin patungo sa kawalan…
Gumuhit sa alaala ko ang mga nagdaan kong pangarap. May mga bagay na nagpapasaya sa akin na kailangan kong iwanan para sa mas magandang bukas. May mga bagay na kailangang isakripisyo upang makamit ang aking hinahangad. Mahirap bitiwan ang isang bagay na nagbibigay ngiti. Mahirap itong bitiwan lalo na kung matapos ko itong pakawalan ay makikita ko itong lumilipad kasama ng mga nasayang kong pangarap.
Sa pag-usad ng panahon, may mga paniniwalang nag-iiba at may mga pangarap na nagbabago.Hindi ko pinangarap ang kasalukuyang kalagayan ko. Hindi ko alam kung ano ang mga susunod na pangyayari sa buhay ko. Binitiwan ko na ang hawak kong lobo upang malayang makakilos ang dalawang kamay ko sa pagharap sa mapaniil na mundong aking ginagalawan. Hindi ko naisip na ganito ang kahahantungan ko. Wala naman akong pinagsisisihan dahil naniniwala ako na lahat ng bagay na nangyayari sa buhay ko ay may dahilan. Marami na akong isinakripisyo. Marami na akong hirap na dinanas.
Noong paslit pa lamang ako, ang tanging bagay na iniisip ko ay kung ano ang pasalubong sa akin ng aking magulang pag-uwi niya galing sa trabaho at ang pinoproblema ko lamang noon ay kung paano ako tatakas sa aking mga magulang upang makipaglaro ng tagu-taguan. Wala akong hangad noon kundi maging masaya sa bawat araw. Nakapagbibigay ligaya ang isang lobo… isang simpleng bagay na pwede namang wala sa mundo. Sa bagay na ito, marami akong natutunan. Nalaman ko na ang bagay na nagbibigay sa iyo ng saya ay maaari ring magbigay sa iyo ng hindi masukat na kalungkutan.
Masaya ang isang bata na magkaroon ng lobo. Kapag lumipad ito, tiyak na iiyak siya. Iiyak siya sapagkat nawala ng bagay na nagbibigay sa kanya ng saya.Tulad ng paglipad ng lobo ang pagkawala ng pangarap. Kapag hindi mo hinawakang mabuti ang pangarap mo, tiyak na mawawala ito… lilipad tulad ng lobo… tatangayin ng hangin patungo sa kawalan…
Matapos maglaho ng pangarap ko… matapos itong pumunta sa hindi ko maarok na hangganan… may mga taong nagbibigay lakas ng loob sa akin gayun din naman ang mga taong walang ibang ginawa kundi manumbat pagkatapos masayang ang aking pangarap. Ngunit alam ko na may pangarap pa rin sa sangkalupaang ito. Ngunit hindi ko alam kung saang tindahan ako bibili ng pangarap ko.
Sa Pagsapit ng Bagong Umaga
November 29, 2009Ilang minuto na lang, hatinggabi na. Magsisimula na naman ang panibagong araw. Masaya ako ngayon. Ngayon ko lang ulit naramdaman ang sayang hinahanap hanap ko sa bawat araw. Muli kong naramdaman ang ligaya na pinananabikan ko. Hindi perpekto ang araw na ito ngunit masaya ako. Thanksgiving sa church kanina. Labing pitong taon na ako sa daigdig na ito… at sa mahabang panahong iyon, ginabayan ako ng Panginoon. Hindi Niya ako iniwan ni pinabayaan man sa bawat segundo ng buhay ko. Ang dami kong dapat ipagpasalamat sa Kanya. Unang-una, sa buhay na ipinagkaloob Niya. Aaminin ko, ilang beses kong pinagtangkaang kitilin ang buhay ko. Napoot ako sa mundo. Ngayon, alam ko na kung bakit pa rin ako nandito sa sangkalupaan na ito. Isa sa mga dahilan ay upang ipakita sa mga tao ang kadakilaan ng Diyos. Binago Niya ang buhay ko at ang aking pagkatao. noon, isa akong makasalanan… isang babaeng lumalakad sa daan ng kadiliman at namumuhay sa makamundong paraaan. Napakasaya ko dahil nakakilala ako sa Panginoon… Pagkatapos ng Thanksgiving, sabay sabay kumain ng pananghalian ang mga kabataan. Mawawala ba ang picture taking? Syempre, hindi. Umuwi kami sa dorm para magpahinga ng ilang minuto. Naimbitahan kasi ako ng dati kong kamag-aral sa simbahan nila - 1st Quarterly Fellowship at ang tema ay Farmville. Hindi na bago sa pandinig ko ang Talinghaga ng Manghahasik na mababasa sa aklat ng Marcos. Marami akong natutunan, naging kaibigan at mga nakilalang kaibigan. May mga larong nakakabaliw pero napakasaya talaga. Pagkatapos ng Fellowship, napadpad kami sa simbahan ng kaibigan ng dati kong kamag-aral. Malapit lang ang pagitan ng dalawang simbahang iyon. Hindi pumasok sa isip ko na dumalo sa concert na iyon pero masaya talaga ako dahil nakita ko ang sarili ko na nakaupo sa loob ng simbahang iyon, nakikisabay sa oag-awit ng mga papuri at masaya. Basta, ang alam ko, masaya ako. Hindi aksidenteng nadako ang aking pangyapak sa pook na iyon. Batid ko na may dahilan ang Diyos. Naniniwala ako na perpekto ang plano Niya. Ipinagkatiwala ko na ang buhay ko sa Kanya. Nitong mga nagdaang linggo, nanghihina ako dahil sa kabiguang natamasa ko. Pero alam ko, may dahilan iyon. Mauunawaan ko rin ang lahat at pagdating ng panahong iyon, lubos akong magpapasalamat sa Diyos.
Ngayon ko lang ulit ito naramdaman. Masaya ako… masaya… Panibagong araw na naman ang haharapin ko bukas… panibagong hamon. Ngunit kahit gaano pa kabigat o kahirap ang pagdadaanan ko sa araw ng bukas, naniniwala ako na magtatagumpay ako dahil bibigyan ako ng kalakasan ng Panginoon. Natatanaw ko ang pag-asa sa pagsapit ng bagong umaga…
Mahal pa rin kita
November 28, 2009Mahal pa rin kita
Mag-isang naglalakad habang umuulan
Pagpatak ng luha ko’y hindi mapigilan
Damdamin ko’y hindi mapagtakpan
Labis akong nasasaktan
Bakit ang isang patak ng luha ay nasundan?
Ang pag-agos ng luha ko’y hindi ko mapigilan
Pinilit ko na ikaw ay kalimutan
Subalit ang katotohanan ay hindi ko matakasan
Iba na ang ikot ng ating mundo
Subalit puso ko’y pumipintig pa rin para sa iyo
Malaking papel ang ginampanan mo
May puwang ka pa rin sa puso ko
Paano ko malilimutan ang tulad mo?
Ikaw ang nagbigay kulay sa aking mundo
Ang pagkatao ko ay iyong binago
Hindi ko sinasadyang mahulog sa iyo
Bakit ka pa muling nakita?
Ang damdamin ko para sa iyo ay hindi tama
Mahal kita, hindi ko maikakaila
Ngunit para sa iyo, ako ay balewala
Mabilis ang pagpintig ng puso habang kapiling ka
Malungkot ako kapag wala ka
Walang kulay ang araw ko kung hindi kita kasama
Hindi ko maitatanggi na mahal pa rin kita
Pagtalikod sa Nakaraan
Hindi ko na siya nakikitang umiiyak ngayon. Hindi ko na siya nakikitang mag-isa. Hindi ko na siya nakikitang malungkot. Hindi na rin siya nagtutungo pa sa tagong sulok ng silid-aklatan upang umiyak. Napakalaki ng pagbabagong naganap sa kanyang pagkatao mula nang makakilala siya sa Panginoon.
Ilang beses niyang pinagtangkaang kitilin ang buhay niya. Hindi ko mabilang ang luhang pumatak mula sa kanyang mga mata nang isalaysay niya sa klase ang kasalanang ginawa niya. Naging mahina siya. Tama ang sinabi ng kaibigan niya na may dahilan pa kaya’t nandito pa siya sa mundong ito.
Nakatanggap siya ng sulat mula sa isa naming kamag-aral. Marahil, kinatok ng sulat na iyon ang puso niyang ayaw magbukas ng pinto para papasukin ang iba.Ito ang sinasabi sa sulat:
Sorry kung hindi ako magaling magpayo. Sorry kung hindi ko magawang pigilan ka sa pagkitil ng buhay mo… Hindi na kita guguluhin o kukulitin ukol sa ginagawa mo sa iyong sarili… May hihilingin lang akong isang bagay na sana ay isabuhay mo at itatak na palagi sa iyong isipan iyon ay “MAGKAROON NG TAKOT SA DIYOS”
Madalas ko na siyang makitang nakangiti. Hindi ko na siya nakikitang naglalakad mag-isa dahil kahit nasaang sulok siya ng mundo, naniniwala siyang kasama niya ang Diyos. Nabago niya rin ang buhay ng ibang tao tulad ng ginawa ng kaibigan niya sa kanya. Wala na kong nakikitang hinanakit sa kanya. Hindi na siya galit sa mundo… Pinatawad na niya lahat ng taong nakasakit sa kanya. Ibang iba na siya sa dating nakilala ko. Halos hindi ko na siya makilala ngayon. Tila kahapon lang, isa siyang masamang nilalang. Masaya ako dahil tinalikuran na niya ang kadiliman at naglalakad na siya ngayon sa liwanag. Hindi na ako tulad ng dati… wala na ang dati kong pagkatao…
Mapagkunwaring Mundo
November 26, 2009Tuwing gabi, sabik na sabik ang aking unan sa paghihintay ng pagpatak ng aking luha… Bumabalik ang mapapait na alaala. Patuloy pa rin akong hinahabol ng masaklap na katotohanang namumuhay ako kapiling ng mga mapagpanggap na nilalang…
Natuklasan ko na nakatira ako sa mundong napapaligiran ng mga mapagkunwaring kaibigan, mapagpanggap na mga ngiti at mga taong umaangkin na nagmamahal sa akin. May mga taong nandiyan lang sa tabi ko sa mga panahong kailangan nila ako at kapag wala na akong halaga, ako’y itatapon nila tulad ng basura. Nagpapanggap silang masaya kapag masaya ako ngunit ang totoo, namumuhi sila sa katagumpayang natamasa ko. Kagabi, narinig ko ang mga salitang naging dahilan ng pagbagsak ng aking luha. Akala ko, kaibigan ko siya, hindi pala… Sana hindi ko na lang narinig ang mga salitang iyon, nang sa gayon ay hindi ako nahihirapan ngayon. Isa lamang siya sa hindi mabilang na mapagpanggap na nilalang sa mundong aking ginagalawan. Kanino ako magtitiwala? Paano ako maniniwala kung puro kasinungalingan ang naririnig ko?
Tatlong taon din akong nakitira sa aking kamag-anak. Akala ko, magiging maayos ang buhay ko subalit nagkamali ako. Mapagpanggap ang ngiti niya, gayon din ang mga salitang binitiwan niya. Salamat na lamang at natuklasan ko ang katotohanan na isa siyang mapagpanggap na nilalang. Masakit lang talagang isipin na kung sino pa ang dapat na tumutulong sa iyo ay siya pang sumisira sa iyong pagkatao. Napakabait niya sa harapan ko at tila ba wala akong dapat ipangamba tuwing kasama ko siya ngunit isa siyang impostora! Isang magaling na artista…
Nilisan ko na ang impiyernong iyon. Pinili kong tumayo sa sarili kong mga paa. Ngunit simula pa lamang iyon ng paglalakbay ko sa mapaniil na mundong ito. May mga pangakong hindi natutupad, mga pangarap na hindi nagaganap, at kasabay nito ay ang taong akala ko ay magmamahal sa akin nang totoo ay maglalaho tulad ng bula na nakita ko…Nagpapanggap ako na hindi nasasaktan…na tila ba balewala ang mga nagdaan… Nagpapanggap ako na masaya ngunit ang totoo, umiiyak ang puso ko. Paano ako makakatakas sa mapagkunwaring mundong ginagalawan ko kung ako mismo ay hindi nagpapakatotoo sa sarili ko?
Ulan ng Kalungkutan
November 23, 2009Pinipilit kong ngumiti… magpanggap na masaya. Pinipilit kong tumawa… subalit hindi maikukubli ang kalungkutan na makikita sa aking mga mata. Bumubuhos na naman ang ulan ng kalungkutan at wala akong payong na poprotekta sa akin sa pighati na dulot ng ulan na iyon..
Hindi ko alam kung anong susunod na mangyayari. Hindi ko batid kung anong magaganap sa araw ng bukas. Gabi gabi, nananalangin ako na maging masaya. Nagiging masaya naman ako… kahit papano. Nagagalit ako sa sarili ko dahil hindi ko makita ang mga biyaya na ipinagkakaloob ng Diyos sa buhay ko. Marahil, masaya ang bawat araw… hindi ko lang talaga matanggap na mas masaya ako noon. Hinahanap hanap ko ang mga panahong kapiling ko pa ang mga taong nagbibigay kulay sa araw ko. Batid ko na hindi sa lahat ng panahon, kasama ko sila. Kailangang tanggapin ko ang mapait na katotohanan na may mga pagkakataong kailangan kong mag-isa at masanay na wala sila…
Patuloy na lumalakas ang ulan… kailangan ko ng lugar na masisilungan. Patuloy akong tumatakbo. Ngunit hindi lang payong ang kailangan ko… kailangan ko rin ng lakas ng loob upang mapagtagumpayan ang napakalakas na unos na ito…
Drama sa entablado ng buhay
Tulad ng teatro ang buhay ko… hindi na maibabalik ang sandaling nagkamali ako sa pag-arte. Hindi pa isinasara ang kurtina kaya’t patuloy pa rin ang drama. Hindi ako nag-iisa sa entablado… may mga kontrabida, may mga kakampi at may mga ekstra… mga taong napadaan lang…
Hindi ko alam kung anong papel ng taong ito sa buhay ko. Anim na buwan ko pa lang siyang kakilala. Kamag-aral ko siya sa isa kong klase. Hindi siya maalis sa isip ko dahil siya ang unang kumausap sa akin sa unang araw ng pasukan. Alam ko na hindi iyon sapat na dahilan upang manatili siya sa isip ko… alam ko na may iba pang mga bagay. Ang sumunod na eksena - madalas ko siyang makita. Nagkasama rin kami sa dalawang aktibidades. Hindi n’yo na kailang malaman pa kung ano iyon. Nakausap ko na rin siya at marami akong nalaman tungkol sa kanya. Marami kaming pagkakapareho. Hindi ko maitatanggi na ako ang uri ng babae na madaling mahulog sa bangin na walang hanggan ang lalim. At ang masakit, hindi ko alam kung saan ako babagsak…
Nakita ko na naman siya kanina. Hindi ko maipaliwanag ang ngiti niya… dahan dahan akong nilalason ng ngiting iyon at nararamdaman kong malapit na akong mamatay… mamatay sa pagharap sa katotohanang napakaliit lamang ng papel ko sa buhay niya…
Tulad ng gitara…
Ilang araw na lang, Disyembre na. Hindi ko nararamdaman na malapit na ang Pasko. Hindi ko maramdaman ang lamig ng panahon dahil napapaso ako sa nagliliyab na katotohanan. Naaalala ko, noong nagdaang Pasko, nangaroling ako kasama ng mga kaibigan ko. Hinding hindi ko malilimutan ang mga panahong umaawit kami ng mga kantang pampasko. Naririnig ko sa sandaling ito ang mga tinig namin noong mga gabing iyon.Hindi ko mabilang ang aming mga hakbang… malayu-layo rin ang aming napuntahan. Iba-t ibang eksena sa bawat bahay na aming inaawitan. Iba iba rin ang mga pang yayari sa bawat gabi.
Proyekto namin sa Values Education ang tumulong sa mga kapus-palad at iyon ang perpektong bagay na naisip ng aming grupo - ang mangaroling.Hindi kami nabigo. Nagbunga ang aming paghihirap. Ang salaping nalikom namin ay itinulong namin sa mga kabataang naghihikaos sa buhay.Nag-uumapaw sa saya ang naramdaman ko nang mga sandaling iyon. Labis akong nagagalak sa tuwing naiisip ko ang kinang ng mata ng mga batang iyon…
Ang gitara ko ang isa sa mga instrumento ng tagumpay na iyon. Lumikha ito ng napakagandang tunog… tunog na kumatok sa puso ng mga taong aming inawitan.Hiniram iyon ng isa kong kaibigan pagkatapos ng aming pangangaroling. Enero na nang ibalik niya ang gitara ko - patid ang kwerdas nito … wasak tulad ng puso ko…
Naglaho
November 14, 2009Disyembre noong nagdaang taon nang maganap ang pangyayaring isasalaysay ko. Mag-iisang taon na rin pala. Hindi ko namalayan ang mabilis na paggalaw ng kamay ng orasan. Magkamiyembro kami sa isang organisasyon. Isa sa mga aktibidades ng aming grupo ay ang pagdidisenyo sa bulletin board ng aming organisayon. Bagama’t binubou kami ng maraming miyembro, kakaunti lamang ang nag-alay ng kanilang panahon upang gawin ang responsibilidad na nakapatong sa aming balikat.
Naaalala ko, dalawa kami na nagpintura sa larawang nakaguhit doon. Nananalantay sa kanyang ugat ang dugo ng isang malikhaing nilalang. Maituturing na obra maestra ang likha namin subalit may mga tao talaga na hindi nakikita ang ganda ng isang bagay. Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Ang tanging bagay na naitulong niya ay naglaho. Walang naiwan kundi alaala…
Marahil ay nasaktan siya. Panahon at pagod ang inialay niya. Nararamdaman ko ang naramdaman niya dahil sa sandaling ito, pareho ang nangyari sa aming dalawa. Ngunit ngayon, ako naman ang nakaramdam na wala akong halaga. Ang tanging bagay na ginawa ko ay nag-iwan na lamang ng alaala.
Asa
Hindi sinasadyang binalikan ko ang alaala ng nakaraan… ang masaya at malungkot na mga pangyayari na naganap sa aking kahapon. Binasa ko ang mga nakalimbag na salita sa aking talaarawan. Magkahalong emosyon ang naramdaman ko habang binabasa ko ang bawat pahina ng aking talaarawan. Hindi ko alam kung anong nasa isip ko nang mga sandaling isulat ko na isa sa pinakaistupidong bagay sa mundo ay ang pag-asa.
Ilang buwan na rin ang nagdaan buhat nang huli akong umasa. Umasa sa bagay na hindi naman naganap at hinding hindi na mangyayari pa. Minsan, nangangarap ako na sana hindi na lang ako nakakakita upang hindi ko na makita ang mga pangyayari na magdudulot ng pighati.Minsan, nangangarap ako na hindi na lang ako nakakarinig upang hindi ko na mapakinggan pa ang mga salitang makakasakit sa aking damdamin. Nangangarap din ako na sana hindi na lang ako marunong umasa nang sa gayon ay hinding hindi ako masasaktan.
Magkaibang bagay ang pangarap sa pag-asa. Parehong libre ang dalawa subalit pareho ka ring masasaktan pag hindi natupad ang pangarap mo at hindi nangyari ang bagay na inaasahan mo.
Hindi ko mapigilan mula sa pagsigaw ang naghihinagpis kong kalooban. Marahil ay kahibangan ang umasa subalit may bagay pa rin akong natutunan mula sa salitang iyon. Nalaman ko na hindi dapat umasa sa mga taong wala ka naman talagang aasahan. Ngunit minsan, kung sino pa ang inaasahan mo ay siya pa ang magiging dahilan upang maglaho ang bagay na inaasam mo.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, naniniwala ako na mayroon pa ring maaasahan.Hindi Siya nagbabago. Tapat Siya sa Kanyang mga pangako…
Incense
November 11, 2009Mahabang panahon na rin ang lumipas buhat nang magkrus ang mga landas natin. Kayo ang nakasaksi sa pagtanggap ko sa Panginoon. Kayo ang nakatunghay sa pagpatak ng hindi mabilang na luha na hindi ko namalayang pumatak mula sa aking dati’y mapagpanggap na mga mata. Nakadarama ako ng saya sa mga panahong kasama ko kayo. Panatag ang loob ko at wala akong pangmba sa mga sandaling kapiling ko kayo. Lagi ninyong ikinikintal sa isip ko na hindi ako iiwan ng Diyos. Kayo ang nagliwanag sa daan na tinatahak ko. Ginabayan ninyo ako sa paglakad ko sa landas ng buhay. Ginamit kayong instrumento ng Diyos upang maglingkod ako sa Kanya.
Salamat sa pag-akay at paggabay sa dati’y naliligaw kong kaluluwa. Salamat sa mga salita ng Diyos na ibinahagi ninyo sa akin. Salamat sa mga panahong ginugol ninyo upang pasiglahin ang dating ako. Salamat sa lahat - sa mga di malilimutang alaala, sa saya at lungkot…
Ngunit lahat ay may wakas. Nagtapos na ang umaga at sumapit na ang gabi. Hindi ko maisip na lilipat kayo ng pook sambahan. Napakabilis ng mga pangyayari. Tila ba natulog lang ako at pagmulat ng aking mgaa mata ay nasa ibang dimensyon na ako. Hindi ko alam ang dahilan. Hindi ko nababasa ang laman ng puso ninyo.Kung nandoon lang sana ako nang mga panahong nagugulumihanan kayo…
Hinahanap hanap ko ang mga sandaling magkakasama tayo. Hinahanap-hanap ko ang mga panahong magkakasama tayo sa simbahan habang nakikinig sa sermon ni pastor. nHinahanap-hanap ko ang tinig ninyo habang umaawit ng mga papuri sa Diyos…Mabubuo pa ba ulit tayo? Mabubuo pa ba ang INCENSE?
Ngayon, iba iba na ang simbahang dinadaluhan natin ngunit nananatili pa rin tayong naglilingkod sa Panginoon. Nilisan ko na rin ang dati nating pook sambahan. Nakatagpo ako ng bagong simbahan.Masaya rin ako sa piling nila…
Tulad ba tayo ng nabasag na kristal? Tuluyan na ba talaga tayong hindi mabubuo? Hindi ko alam ang kasagutan sa mga tanong na binitiwan ko ngunit umaasa at nangangarap ako na isang arwa, muling magkakasama ang INCENSE…
Isang libo’t isang bakit
November 10, 2009“Bakit ka nagshift?”
Simple lang naman ang dahilan ng pagpapalit ko ng kurso - hindi na ako masaya sa mundo ng pag-aanalisa kaya’t nilisan ko na iyon at lumipat na ako sa mundo ng akademya. Ewan ko. Hindi ko rin alam kung bakit ko iyon ginawa. Natangay ako ng agos ng emosyon ko. Ni minsan, hindi ko pinangarap na maging guro.Hindi ko rin naman pangarap na maging CPA. Sinunod ko lang ang aking ina. Ngayon ko nga lang nadama ang kahalagahan ng pagtatalakay ng mga guro ko sa haiskul sa kahalagahan ng kurso. Kung malalaman lang nila ang kasalukuyan kong sitwasyon, malamang na pinagalitan na nila ako. Pangarap ko rin ang mga pangarap ng isang maambisyong nilalang. Pangarap kong magkaroon ng sariling bahay at lupa, magkaroon ng kotse, magagandang kasangkapan at mga bagay na nagpapakita ng karangyaan.Nawalan ako ng pangarap. Wala akong pangarap nang mga panahong nagtuturo ang propesor ko sa Accounting. Ang tanging bagay na nasa isip ko nang mga sandaling iyon ay ipasa ang asignatura niya. Pero nitong mga nagdaang araw, may nabuong balak sa aking isipan. Nangarap ako na magsalin ng kaalaman, humubog ng pagkatao at magturo ng mga bagay-bagay na higit pa sa kaalaman na matututuhan sa apat na sulok ng paaralan.
“Diyos ko naman!”
Bakit ba ang baba ng tingin ng karamihan sa isang guro? Kahiya-hiya bang magturo? Hindi ba marangal ang propesyon na pinili ko? Magkakaroon ba ng doktor, inhinyero, abogado kung walang guro? Matututo ba sila kung walang nagturo sa kanila? Ito ay isang libo’t isang tanong na patuloy na tumatakbo sa aking isipan. Kailan ba magbabago ang pananaw nila sa mag tagahubog ng katauhan? Isa lang ang siguradong sigurado ko, may dahilan ang Diyos kung bakit nangyayari ang lahat ng ito sa buhay ko.
“Hindi ako nakikipag-usap sa CASET!”
Hindi na ako kabilang sa mga mag-aaral ng College of Business. Isa na akong mag-aaral na nakikipagsapalaran sa makulay na mundo ng College of Arts, Science, Education And Technology o CASET. Patuloy pa rin sa pagtugtog sa aking isiupan ang mga salitang binitiwan niya at dahan dahan nitong nilalason ang isip ko. wala akong pakialam sasinabi niya at hindi na rin ako interesado sa mga reaksyon ng mga dati kong kamag-aral. Desisyon ko ito at maninindigann ako.
Masaya naman ako…. kahit papaano… mabait naman ang bago kong mga kamag-aral. HIndi ko alam kung anong susunod na mangyayari.Pero kahit ano pa, hondi ako magsisisi. Sa sandaling ito, may takot pa rin at agam-agam sa puso ko ngunit umaasa ako na isang araw, haharapin ko ang mundong ito nang buong kalakasan. Patuloy pa rin sa pagtakbo ang isang libo’t isang tanong sa isip ko…
Mapagtagumpayan ang Emosyon
October 28, 2009Dinidiktahan ko ang isip ko na huwag kang isipin
Tinuturuan ko ang puso ko na huwag kang mahalin
Pinipilit kong alisin ka sa aking damdamin
Kaya ko nga ba na ika’y hindi ibigin?
Hindi na titibok ang puso ko tuwing nandiyan ka
Hindi ko na maririnig ang pagpintig nito tuwing makikita ka
Hindi na bibiblis ang pagtibok nito tuwing masisilayan ka
Hindi ako maaapektuhan kahit nasa tabi kita
Pipilitin kong maging masaya kahit wala ka
Hindi ako luluha sa aking pag-iisa
Kakayanin kong mabuhay nang hindi ka kasama
Buburahin ko na ang pangalan mo sa aking alaala
Wala na kong ibang alam kundi labanan ang emosyon
Ito na lang ang naiisip kong solusyon
Ibabaon ko na sa limot ang kahapon
Kalilimutan ko na ang salitang “pagmamahal” mula ngayon
Alaala ng Kahapon
Bumalik ako sa lugar kung saan tayo nagkakilala
Umaasa ako na masisilayan ka
Nangangarap na muli kang makakasama
Magkakatagpo pa ba tayong dalawa?
Tinahak ko ang daan na dati nating nilalakaran
Umaasa na muli kang masusumpungan
Hindi pa rin naglalaho ang aking nararamdaman
Mahal kita magpakailanman
Bakit hindi ko malimutan ang kahapon?
Dahil ba ikaw pa rin ang mahal ko hanggang ngayon?
Mahal kita mula pa noon
Maghihintay ako kahit ilang daang taon
Maraming taon na ang lumipas
Ating nakaraan ay nag-iwan ng bakas
Sa puso ko, ika’y hindi kukupas
Ika’y mananatili sa aking puso hanggang wakas
Estranghero
October 27, 2009Hindi ko alam kung saan ako patungo
Hindi ko batid kung nasaan akong dako
Dumating ang sandaling tayo ay nagkatagpo
Salamat sa direksyon na iyong tinuro
Salamat sa pagbibigay ng direksyon
Aking patutunguhan ay natunton
Mahalagang papel ang iyong ginampanan sa maikling panahon
Ika’y maaalala saan man ako naroroon
Sinamahan mo ako hanggang sa huling sandali
Sa isipan ko, ika’y mananatili
Salamat sa kabutihan na iyong ibinahagi
Pasasalamat ang aking isinusukli
Magkikita pa ba ulit tayo?
O magiging parte ka na lang ng nakaraan ko?
Hindi ko malilimutan ang mga sandaling magkasama tayo
Salamat sa lahat, mabuting estranghero
Sa Iyong Paglisan
October 17, 2009Sa Iyong Paglisan
Bakit kailangan ka pang makilala?
Hindi naman pala tayo para sa isa’t isa
May wakas ba lahat ng simula?
Umiiyak ang puso ko sa iyong pagkawala
Bakit pa kailangang humantong sa ganito?
Labis mong sinaktan ang puso ko
Pag-ibig ko naman sa iyo ay totoo
Kailanman, ito’y hindi magbabago
Bakit kailangan mo pang lumisan?
Ang mabuhay nang wala ka ay hindi ko alam
Lahat ng pangarap ko ay naparam
Sumama sa hangin at nagliparan
Mapagpanggap na Puso
Mapagpanggap na Puso
llang beses ko bang ipangangalandakan na siya ang mahal ko?
Batid ko naman na iyon ay hindi totoo
Walang nakaaalam ng tunay na laman nito
Walang makababatid ng lihim ng puso ko
Mahal ko siya ang lagi kong pinagsisigawan
Ngunit iyon ay malaking kasinungalingan
Hindi mo na kailangan pang malaman
Ang lihim na aking iniingatan
Akala mo, mahal ko siya
At masaya ako sa tuwing kami’y magkasama
Ngunit ikaw ang laging hinahanap ng aking mga mata
At ang tinig mo ang nais marinig ng aking tainga
Kapatid lang ang turing mo sa akin
Hindi ko naman pwedeng diktahan ang iyong damdamin
Masakit lang talagang isipin
Na ang puso mo ay matroon ng umangkin
Batid ko na ako ay hangal
Dahil pinagsisigawan ko na iba ang aking mahal
Kuntento na ako sa aking pagpapanggap
Ngunit alam ko, kailanman, ako’y hindi magiging ganap
Hindi mo batid ang laman ng puso ko
Hindi mo nababasa na ikaw ang nakasulat dito
Hindi mo alam na ikaw ang mahal ko
Dahil nagpapanggap ang puso kong ito


